NEWS

Bagong-silang na butanding na natagpuan sa Donsol nagpapahiwatig ng kahalagahan ng Ticao-Burias Pass

Pilipinas, 14 Disyembre, 2020. Mayroong bagong pag-aaral ang Large Marine Vertebrates Research Institute Philippines (LAMAVE) at ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources-Region 5 (BFAR-Region 5) tungkol sa kahalagahan ng Donsol at Ticao-Burias Pass bilang isang nursery ground para sa mga bagong-silang na butanding, o whale shark, isang endangered species.

Ayon sa kanilang pag-aaral, isang bagong-silang na butanding ang natagpuan noong ika-15 ng Marso taong 2020 sa baybayin ng Donsol. Ayon pa dito, nagpakita rin ng “mating-like behavior” ang mga butanding, na nasaksikan ng mga mananaliksik at iniulat ng mga Butanding Interaction Officers (BIO). Batay sa pagsusuri ng grupo, gayundin sa mga nakaraang ulat ng neonate o bagong-silang na butanding sa parehong lugar at sa pambihirang presensiya ng mga babae at lalaking butanding na parehong nasa tamang laki na para magka-anak, ang Donsol at ang Ticao-Burias Pass ay mahalagang lugar-pasuplingan para sa pinakamalaking isda sa buong mundo.

Noong Marso 15, 2020, isang bagong-silang na butanding ang natagpuan ng mga lokal na residente sa baybayin ng Donsol. Kinumpirma ng mga mananaliksik ng LAMAVE na ito ay isang lalaking butanding na may habang 60 cm – mas maliit kaysa sa pinamalaking embryo na iniulat mula sa nag-iisang pagsusuri ng isang buntis na butanding sa Taiwan, at nagpapahiwatig na marahil ang natagpuang butanding ay bagong-silang. Dahil  hindi pa sila gaanong magaling lumangoy, ang mga bagong-silang na butanding ay nananatiling malapit kung saan sila ipinanganak. Nangangahulugan ito na ang Donsol at ang Ticao-Burias Pass ay isang mahalagang tirahan para sa kanila. Ito ang ikatlong pagkakataon na may nakitang  bagong-silang na butanding sa lugar na ito. Ito rin ang ika-1,930 na indibidwal na butanding na naitala sa Pilipinas.

Binigyang diin din ng LAMAVE, na nagsasagawa ng research sa Donsol simula pa noong 2015, ang kahalagahan ng lokal na kaalaman ng mga BIOs, na, sa ilang okasyon, ay nakasaksi ng tila mating behaviour mula sa mga butanding. Ayon  sa kanila, na-obserbahan nilang lumalangoy ng pabaliktad ang isang butanding sa ilalim ng isa pang butanding. Na-obserbahan din ng mga mananaliksik ng LAMAVE ang isang malaking lalaking butanding na nagbaba at nagladlad ng kanyang claspers (male reproductive organs).

Ang Pilipinas ay isang mahalagang lugar para sa mga butanding. Ang katubigan ng bansa ay kinikilala bilang pangalawa sa may pinakamaraming butanding sa buong mundo. Gayunman, ang bagong impormasyon na ito ay nagsasabi, sa unang pagkakataon, na ang bansa, lalung-lalo na ang Donsol at ang Ticao-Burias Pass ay isang natatanging lugar para sa mga butanding at sa kanilang pagpaparami. Ang pagpapanatili ng proteksyon sa nasabing lugar ay napakahalaga, at ang anumang uri ng pagbabago dito na maaaring makaapekto sa mga butanding at sa kanilang kapaligaran ay dapat na kontrolin at bantayan.

English version available HERE.